Enero 17
Nakabibigo ang Maging Black na Guro sa China
Lumipat si Anthony Facey sa Shanghai upang magturo ng Ingles, nang hindi inakalang haharap siya sa pagtatangi at mga hadlang
Anthony lǎoshī—guro Anthony—ganoon ako unang ipinakilala sa mga bata sa Eden Dream Kindergarten sa Shanghai. Hindi ko malilimutan ang unang araw ko: isang silid-aralang puno ng mga batang Korean na nakatitig sa akin habang nakaupo ako sa harap ng whiteboard, sinusubukang magturo ng phonics nang walang kaalam-alam sa ginagawa ko.
Ang paglaki ko sa London ang nagbigay sa akin ng pananaw sa iba't ibang kultura at paniniwala. Nang sabihin ko sa pamilya at mga kaibigan na lilipat ako sa China, nagtaka at nalito sila. Bakit gugustuhing umalis ng sinuman?
Aaminin ko: Masyado akong inosente tungkol sa gaano kadali akong babagay sa bagong lupain na may bagong wika at tradisyon. Sa UK, isa ako sa napakaraming mukha; sa China, litaw ako na parang paboreal sa kawan ng kalapati. Para sa mga Chinese, isa akong lǎowài—dayuhan—Black muna bago British, at kahit noon ay hindi makapaniwala ang ilan na British ako. Sinabihan akong American, South African, at Australian—tila hindi maisalin sa Chinese ang cockney.
Sa unang taon ko sa Shanghai, marami akong hinarap na hamon: pangungulila sa tahanan, mga bagong kaugalian, at pag-angkop sa bagong paraan ng pamumuhay. Ang pangunahing balakid ko ay ang hadlang sa wika, at matapos ang ilang asiwa kong pag-uusap sa Mandarin, gusto kong tumakbo pauwi, magtalukbong ng kumot, at magtago.
Naalala kong pumasok ako sa restaurant at natulala sa menu na punô ng tila hieroglyph at mga liko-likong guhit. Nakatayo akong walang direksiyon habang naiinip na hinihintay ng babae sa likod ng counter ang order ko.
Naging napakahirap humanap ng trabaho: Hindi ako akma sa karaniwang anyo ng isang gurong British. Sinabi ng napakaraming teaching agency na hindi man lamang ako iinterbyuhin ng ilang paaralan dahil sa kulay ng balat ko, na para bang pagiging puti lamang ang kasanayang kailangan sa résumé.
Nakakabigo ang unang taon na iyon.
Kinailangan kong maging ambassador ng mga kababayan ko
Gayunman, kalaunan ay nakakita ako ng advertisement para sa posisyon bilang English teacher sa isang maliit na Korean kindergarten, 10 minuto mula sa apartment ko. Ngunit maaaring nakakatakot ang 10 minuto kapag iyon ang pagitan ng pakikisalamuha sa iilang expat at hindi pagkakita ng isa pang lǎowài sa buong araw. Makalipas ang isang linggo, nakatanggap ako ng tawag na nag-aanyaya sa akin sa interview.
Dumating ako makalipas ang ilang araw, nakaayos at handa para sa mahabang interview, ngunit sinalubong ako ng principal na yumukod at itinuro ang sapatos ko. Litong-lito ako ngunit hinubad iyon at pumasok sa kindergarten. Korean fact: Kailangang alisin ang sapatos bago pumasok sa Korean household, kung hindi ay kawalang-galang iyon dahil malaking bahagi ng kultura nila ang kalinisan. Sana nalaman ko iyon noon. Pinapili ako sa sari-saring tsinelas, ngunit walang akma sa lalaking size 10 ang sapatos, kaya nagturo ako nang naka-medyas sa unang ilang linggo. Salamat sa under-floor heating.
Maliit ang bago kong workplace kumpara sa ilan sa iba pang paaralang pinagturuan ko. Lima lamang ang classroom namin at tinuruan ko ng English ang lahat ng bata, mula tatlo hanggang pitong taong gulang. May ilang year group na anim ang mag-aaral at ibang klase na 20. Bawat klase ay may Korean o Chinese na guro at salitan akong nagturo sa bawat year group. Karamihan sa mga bata ay hindi pa kailanman nakasalamuha ng westerner, lalo na ang isang matangkad at Black na may afro at pilyong ngiti. Sinabi ng pamangkin kong naiisip niyang nagtuturo ako ng mga salitang London slang gaya ng ‘innit bruv’ o ‘you get me.’
Nakakatawa ang unang pagkikita namin ng mga estudyante at kasamahan ko. Ang ilan ay hindi mapigilang humagikgik, samantalang isang bata ang sumigaw at tumakbo palabas ng silid sa takot. Inabot siya ng halos isang taon bago masanay sa matindi kong tingin, ngunit sa huli ay sinusundan niya ako saanman. Naging sentro ng pagkamausisa ang hitsura ko sa loob ng ilang panahon; tinititigan ako ng ilang estudyante mula sa ibang silid at nagtatago kapag napapatingin ako sa direksiyon nila.
Sapilitang hinihipo ng mas matatapang na estudyante ang buhok at balat ko na para bang nakakita sila ng mythical creature na kailangang i-dissect at pag-aralan para sa higit pang analysis. Tinatawag nila akong ‘chocolate teacher,’ nang hindi nauunawaan ang connotation ng mga salitang iyon. Hindi iyon racism, kakulangan lamang ng awareness: prangka at direkta ang mga bata. Mukhang chocolate ang balat ko at guro nila ako—ganoon lang iyon. Inihahambing ko dati ang dalawang skin tone upang ipakitang pareho kaming brown ngunit mas darker hue lamang ako. Nang patuloy nilang ilarawan ang sarili bilang yellow, sumuko ako sa huli.
Sa simula lamang ng bagong school year ko maririnig ang kinatatakutang mga salitang iyon at magsisimula uli ang proseso. Mabilis kong natuklasang hindi lamang mga pupil—karamihan sa mga adult na nakilala ko, bukod sa ilang eksepsiyon, ay kulang sa pag-unawa o ignorante at bastos. Kailangan kong maging higit sa guro; kailangan kong maging ambassador ng mga kababayan ko habang sinisikap kong maging sarili. Napakalaking stress niyon.
Dahil hindi ako nagsasalita ng Korean o Mandarin, naging pang-araw-araw ang mga sandali ng maling pagkakaunawaan. Binigyan ako ng aklat sa phonics at sinabihang magturo ng isang pahina bawat araw. Hindi sapat ang impormasyon doon para sa isang-oras na klase, kaya sa akin lamang iniatang ang paggawa ng curriculum sa Ingles. Wala akong mentor na gagabay, kaya kinailangan kong matutong mag-isip lampas sa teksto at magplano ng mga aralin. Kinailangan kong maging malikhain at mapaglaro habang tinataya ang bawat bata bilang indibidwal.

Paghahanap ng pagkakasunduan
Sa huli, bilang foreign teacher, tinrato ako nang may respeto at pinahalagahan ang opinion ko. Binigyan ako ng principal ng puwang upang magkamali at mag-experiment sa lesson. Mapalad akong nakatrabaho ang masisipag at determinadong colleague na tumulong mag-translate, co-teach, at panatilihing nasa tamang landas ang mga estudyante. Ilan ang mga estudyanteng iyon sa pinakamabait na batang naturuan ko.
Nagtrabaho ako sa ilan pang lugar sa China ngunit hindi nagkaroon ng kaparehong koneksiyon sa teaching staff o mga bata. Hindi ako nagpunta sa Shanghai na may inaasahan sa magiging buhay—pinanatili ko lamang ang bukas na isip, magandang saloobin sa pagbabago, at nasiyahan sa natatanging karanasang punô ng kakaiba, kahanga-hangang sandali, at mga bagong posibilidad. Nagkaroon ako ng pagkakataong maglakbay sa mga lugar na hindi ko sana nakita kung nanatili ako sa London.
Natuto ako ng bagong wika at kaugalian. Naging asawa, ama, role model, at guro ako. Malikhain, pastoral, mahirap, masaya, at matagal ang pagiging guro, at madalas ay gusto kong iuntog ang ulo ko sa pader. Gayunman, nabigyan ako ng pagkakataong bigyang-inspirasyon ang mga estudyante at panooring lumago at magkaroon ng kumpiyansa.
Natuto kami sa isa't isa at nalaman kong hindi kailangang pareho ang wika; kailangan lamang ng patience upang humanap ng common ground.
Source: Anthony Facey | www.tes.com
Gustong magbahagi ng opinyon?
Mag-iwan ng komentosa ibaba!




Para sa LEGAL payo, ADVERTISING mga tanong,
o pagsali MGA GROUP CHAT:
WeChat - kele781194025

SUBAYBAYAN KAMI


Pindutin nang matagal ang alinman sa mga QR Code upang sumubaybay


YouTube️: ExpatRights

Bisitahin: ExpatRights.org

Douyin️: BaiPig

Facebook️: ExpatRightsChina
Unang inilathala sa opisyal na WeChat account (ExpatRights):
