Nabubuhay sa bangungot ang mga wasak na miyembro ng pamilya ng language teacher na namatay sa ibang bansa habang hinaharap nila ang ‘imposibleng’ pagsisikap na makalikom ng £25,000 upang maiuwi ang kaniyang labi.
WeChat Official Account: ExpatRights (微信公众号)
Napalilibutan ng misteryo ang pagkamatay ng ama ng dalawa na si Kevin Little, habang walang imik ang mga awtoridad sa China tungkol sa imbestigasyon ng pulisya sa pagkamatay ng 39-anyos.
Sinisikap ng pamilya ni Kevin Little, na namatay sa edad na 39 sa China noong Hulyo 30, 2019, na makalikom ng 25,000 upang maiuwi ang kanyang bangkay mula sa China. Makikita sa larawan ang ina ni Kevin na si Wendy Viljoen, 58, kasama ang mga kapatid niyang sina Adam Little, 35, Shelly Little, 34, at Chris Little, 30. Larawan: Sarah Standing
Pinuri bilang hindi makasarili at ‘role model’ sa kaniyang pamilya, nagdulot ng matinding pighati sa tatlong kapatid at mga magulang ni Kevin na may epilepsy ang pagkamatay niya noong Hulyo 30.
Binati siya ng dalawang kapatid na lalaki na sina Adam at Chris, kapatid na babaeng si Shelly, at inang si Wendy Viljoen sa birthday noong Hulyo 29 habang nagdiriwang siya sa school kasama ang mga kasamahan, pupil, at kanilang magulang na may cake at squash.
Sinabi ng wasak na si Wendy, landlady sa Derby Tavern sa Stamshaw, na 'tumatawa at nagbibiro' si Kevin ngunit naguguluhan na siya ngayon at hindi alam kung ano ang nangyari rito.
Sinabi ng 58-anyos: ‘Ito ang pinakanakakabigo, pinakamasakit sa kalooban, at pinakanakadudurog ng puso.
‘Pakiramdam ko ay may sumuntok sa lalamunan ko at sumaksak sa puso ko.
‘Gusto ko lang makauwi ang anak ko upang magawa namin ang tama para sa kanya kasama ang mga kapatid niyang lalaki at babae. Gusto ko lang makauwi ang anak ko.’
Idinagdag ni Wendy: ‘Ang huling sinabi sa amin ay nagpapatuloy pa rin ang police investigation.’
‘Gusto ko lang ng mga sagot mula sa kanila. Gusto ko lang malaman kung tapos na ang imbestigasyon at kailan namin siya maiuuwi; iyon lang ang gusto kong malaman, pero napakalabo ng lahat.’
Huling nasa Portsmouth si Kevin noong Nobyembre 2018, kung saan salit-salit siyang nanirahan sa loob ng 10 taon.
Walong taon na siyang nagtuturo ng English sa China malapit sa Shanghai. Nakatira siya sa Nantong, humigit-kumulang 80 milya sa hilaga ng malaking lungsod.
Ngunit sinabi ni Wendy, na kahanga-hanga raw ang kanyang anak, na hindi na niya alam ang gagawin sa mga awtoridad sa Britain at China dahil hinayaan ang pamilya na sila mismo ang maghanap ng impormasyon.
Kamakailan lamang sinabi sa kanila ng isang contact sa bansa kung saan nakaimbak ang bangkay ni Kevin.
Sinabi ng kapatid niyang warehouse manager na si Adam Little, 35, mula North End: ‘Talagang mahirap ang hindi malaman ang nangyari. Iniisip namin: May masamang ginawa ba sa kaniya? Nadapa ba siya at tumama ang ulo? Maaari itong alinman sa milyun-milyong posibilidad.’
Napagaan ang paghihirap nila ng nag-uumapaw na suporta mula sa community, kabilang ang mga regular sa Derby Tavern na nakalikom ng mahigit £2,000 upang maiuwi sa Portsmouth si Kevin, na walang asawa.
Idinagdag ni Wendy: ‘Kung hindi dahil sa mga tao rito at sa mga anak ko, hindi ko alam ang gagawin ko. Napakabuti ng lahat ng tao rito.’
‘Parang isang napakalaking pamilya lang ang lahat dito, hindi kapani-paniwala.’
Umaasa silang dahil sa fundraising ay maiuuwi sa lalong madaling panahon si Kevin, na minsang pinarangalan ng Shanghai police sa pagsagip ng mga tao mula sa nasusunog na gusali.
Maaaring umabot sa £9,000 hanggang £18,000 ang pagpapauwi kay Kevin at mas tataas pa dahil sa ibang gastos, sabi ni Adam. Inakala ng pamilya niyang sasaklawin ng kontrata niya sa trabaho ang mga gastos, ngunit hindi ito nangyari.
Idinagdag ni Adam, na nagsabing role model niya ang kapatid: ‘Sa isang paraan, nakikita naming halos imposibleng makalikom ng £25,000, pero kung hindi namin malilikom iyon, hindi namin maiuuwi si Kevin.’
Sa YouTube video kung saan live-streamed ang birthday celebration niya, tinanong si Kevin kung ano ang inaabangan niya at sumagot: ‘Mas lubos na masisiyahan sa buhay; huling taon na ito ng maduming 30s.’
Sinabi ng tagapagsalita ng Foreign and Commonwealth Office: ‘Sinusuportahan ng aming kawani ang pamilya ng isang British na lalaki kasunod ng kanyang pagkamatay sa China at nakikipag-ugnayan sila sa pulisya ng China.’
Upang mag-donate: justgiving.com/crowdfunding/adam-little-1
