2/3 ng mga Dayuhang Guro ay Ilegal na Nagtatrabaho!?
Tina-target ng mga bagong patnubay ang mga tiwaling recruitment agency
Palaging nais ni Mohsine el Baghdadi na maging English teacher sa China, dahil itinuturing niyang mainam ang ganoong trabaho.
WeChat Official Account: ExpatRights (微信公众号)
Sinabi ng kaibigang nagturo ng Ingles sa China sa 27-taong-gulang na Moroccan na mataas ang pangangailangan sa mga dayuhang guro, walang hanggan ang mga pagkakataon, at maganda ang bayad.
Pinatunayan ito ng sariling karanasan ni Baghdadi. Bumuhos ang mga sagot matapos niyang mag-post sa Facebook ng: "Pagbati mula Morocco. Guro ako sa wikang Ingles na naghahanap ng magandang trabaho na may magandang sahod sa China."
Marami sa mga tugon ay mga imbitasyon sa trabaho mula sa recruitment agency, samantalang ang iba ay nagmula sa mga institusyon ng wika. Sa pangkalahatan, sinabi nila kay Baghdadi na simple ang pag-aaplay ng trabaho sa China. Sapat nang magsumite lamang ng résumé.
Nakatutukso rin ang sahod. Nagtuturo ng English sa Morocco si Baghdadi, kung saan binabayaran siya ng $500 bawat buwan. Gayunman, inalok siya ng mga lumapit mula China ng buwanang sahod mula $1,500 hanggang $2,500, kasama ang bonus.
Ngunit sinabi niyang tila sabik na sabik kumuha ng mga dayuhang guro ang ilan sa mga sumagot, at sinabi ni Baghdadi na binigyan pa siya ng "ilegal na payo" tungkol sa pagkuha ng trabaho.
Sinasabi ng regulation sa work permit ng mga foreign expert na kailangang kumuha ang overseas language teacher sa China ng work visa at maging native speaker na may bachelor's degree o mas mataas, hindi bababa sa dalawang taon ng kaugnay na teaching experience, at walang criminal record.
Nangangahulugan itong maaaring hindi kailanman magkaroon ng chance na magtrabaho bilang guro sa China si Baghdadi, na hindi native English speaker at walang sapat na experience sa pagtuturo ng wika.
"Pero sinabi sa akin ng ilang ahensiya na matutulungan nila akong makakuha ng Chinese business visa at maaari akong maging guro sa China anuman ang mangyari," sabi niya.
Malaking negosyo ang pagtuturo ng English sa China, dahil ang pagbubukas ng bansa sa mundo ay nangangahulugang mas maraming taong gustong matutuhan ang ‘universal language.’ Para sa mga dayuhan, maaaring maging ticket kung minsan ang nasyonalidad at maging kulay ng balat nila upang makakuha ng teaching job.
Ayon sa ulat noong nakaraang taon ng Chinese Academy of Social Sciences, 300 milyong tao sa China ang nag-aaral ng Ingles. May 50,000 English-language training institution sa bansa at nagkakahalaga ng hanggang 500 bilyong yuan ($72 bilyon) ang training market.
Dahil sa mataas na demand para sa pagtuturo sa wikang Ingles, naging halos pormalidad na lamang ang paghahanap ng trabaho para sa karamihan ng dayuhan, lalo na sa mga puti.
Ayon sa survey ng Banyuetan, magasin ng Xinhua News Agency, mahigit 400,000 dayuhang guro ang nagtatrabaho sa education sector sa China noong 2017, ngunit isang-katlo lamang ang legal na employed.
Nitóng mga nakaraang taon, niyanig ang bansa ng ilang high-profile scandal dahil sa kakulangan ng vigilance sa pagkuha ng mga dayuhang guro. Sa ilang kaso, nakakuha ng trabaho ang mga taong kuwestiyonable ang background.
Gayunman, inaasahang magbabago ang sitwasyon sa lalong madaling panahon. Noong Hulyo 15, naglabas ang Ministry of Education kasama ang lima pang central authority ng mga bagong guideline sa after-school training upang tukuyin ang qualification, requirement, at supervision na kailangan sa gayong serbisyo.
Sinasabi ng guideline na kailangang ilantad sa publiko ng mga institusyong pang-edukasyon ang personal na detalye ng sinumang dayuhang gurong empleyado nila, kabilang ang pangalan, larawan, teaching qualification, at dating academic at professional experience.
Dapat ayusin ng mga institusyon ang anumang ‘problema’ bago matapos ang Hunyo ng susunod na taon, o maaari silang maparusahan mula multa hanggang suspension o closure, dagdag ng guideline.
