Opisyal: Ginagawa ng HK ang lahat upang protektahan ang mga domestic helper
Ni Xinhua— https://www.chinadailyhk.com/articles/218/147/85/1502368019669.html para sa ExpatRights.org
Nag-uusap ang mga dayuhang domestic worker sa harap ng financial advertisement poster sa Hong Kong noong Oktubre 12, 2008. Sinabi noong Agosto 10, 2017 ng labor and welfare secretary ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) ng China na si Law Chi-kwong na ginawa ng gobyerno ng HKSAR ang lahat upang protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga domestic helper. (LAURENT FIEVET / AFP)
PHNOM PENH—Sinabi rito noong Huwebes ni Law Chi-kwong, secretary for labor and welfare ng Hong Kong Special Administrative Region (SAR) government ng China, na ginawa ng pamahalaan ng Hong Kong SAR ang lahat upang protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga domestic helper.
"Patuloy naming pinaiigting ang mga hakbang sa Hong Kong upang protektahan sila, lalo na sa pagpapatupad ng batas," sabi niya sa pinagsamang press conference matapos makipagkita kay Cambodian Labor Minister Ith Samheng sa Phnom Penh.
Sinabi ni Law, na dumating sa Cambodia noong Miyerkules para sa tatlong araw na pagbisita, na mahigpit na nakipagtulungan ang mga awtoridad ng Hong Kong sa employment agency at consulate general ng kani-kanilang bansa upang protektahan ang mga domestic helper at turuan sila tungkol sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
Sinabi niyang maaaring humingi ng tulong sa gobyerno ng Hong Kong SAR, pulisya, o consulate general ng sariling bansa ang mga domestic helper sa Hong Kong kapag humaharap sila sa mahirap na sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Law na ang pagbisita niya sa Cambodia ay upang makipag-usap sa Cambodian labor minister at mga kinatawan ng recruitment agency tungkol sa mga kaayusan para magtrabaho sa Hong Kong bilang domestic helper ang mga babaeng Cambodian.
Sinabi ni Ith Samheng na pinadali ng pagluluwag ng Hong Kong sa visa restriction para sa mga Cambodian worker, investor, at student mula Marso 1 ang matagumpay na pag-aapply nila ng visa sa Hong Kong.
"Sa pamamagitan ng aming talakayan, malamang na aalis patungong Hong Kong ang unang grupo ng mga manggagawang Cambodian sa huling bahagi ng 2017," sabi niya sa pinagsamang press conference.
